si father arnel ang nagmisa sa kapilya namin netong nakaraang sabado. (oha! gulat kayo noh. akala niyo di ako nagsisimba!) sa lahat ng pari sa cainta, siya ang paborito ko. una kasi, napansin kong mahilig si pader sa history, with emphasis on the tunggalian ng mga uri. dati may sermon siya na ine-explain niya yung mga sistema ng lipunan sa mga nagdaang taon- dati daw pyudalismo, ngayon kapitalismo. historical materialism ata ang tawag dun, o basta ang framework niya minsan may pagka-marxist.
ikalawa, kaya ko siya nagustuhan ay dahil manunulat din siya. may mga napublish na rin na mga libro si pader. ewan ko kung nanalo na siya ng Palanca. pero nung lumabas iyong huling libro niya, sabi niya sa amin, "may Book Launch sa simbahan sa Miyerkules. pumunta kayo para naman malaman niyo kung anong nangyayari sa Book Launch, hehehe."
simple lang naman kasi ang komunidad namin. typical subdivision, middle-class suburbia. pag tiningnan mo ang crowd sa chapel ng village namin, wala kang makikitang donya. wala rin namang senyor. karamihan ng kapitbahay ko puros mga empleyado sa opisina, yung iba may asawang seaman, o basta nasa abroad. ngayon lahat ng kababata ko sa kalsada namin nagco-call center. walang mga may high-profile na otrabs, walang mayabang. basta simple lang kami. normal. minsan boring, pero normal. kaya natutuwa ako pag nagdidiscuss si pader ng mga petiburgesya at ng mga Book Launch. kasi kahit papaano may bago naman sa amin, may bago naman sa kanila.
anyway, sabi ni pader, mahilig kasi manood ng sine yun, pinanood daw niya yung Bucket List. sa pelikula daw na yun, yung isang tauhan may bucket list- tipong listahan ng mga bagay na gusto niyang gawin bago siya mamatay. tapos sabi ni pader, dapat kami rin daw gumagawa ng bucket list. pero sabi niya, isipin daw namin na bawat isa sa amin, iba-iba daw ang gustong mangyari sa buhay niya- lumapit siya sa isang ale dun sa loob ng chapel- kunwari ito, ang pinagdadasal lang, "lord sana pumuti na ako, ubos na ang glutathione ko!", samantalang yung isa daw, ang pinagdadasal, sana tumigil na daw yung asawa niya sa pambababae. iba-iba daw tayo ng kahilingan, sabi niya. oo naman.
minsan, nung isang taon, ang sermon ni pader, tungkol sa mga broken family. kakasimula lang ng skwela noon, grade 1 na yung anak ko nun, at medyo dalawang linggo na rin akong iyak ng iyak dahil na-overwhelm ako sa mga responsibilidad ng anak na mag-a-attend na ng big school. halo-halo, separation anxiety, poot sa tatay ng anak kong minura-mura ako nang humingi ako ng pang-tuition, yung takot sa mga pwedeng mangyari, yung isang bagong taon na pangungulit sa mga assignment, gastos, lahat na. tapos kwento ng kwento si pader sa altar na ang mga bata malungkot kapag di kumpleto ang pamilya. taena, luha ako ng luha sa simbahan. buti na lang last mass na yun at ako lang at yung anak ko yung tao sa bangko. pero ang hikbi ko, pilit kong iniipit.
nung peace be with you na, may kumalabit sa akin mula sa likuran. si teacher brenda pala, yung principal nila kaloy sa luma niyang small school. mahal na mahal kami nun kasi kaibigan kami nung anak niyang artist. gusto ko ulit umiyak sa kanya, waaah, teacher natatakot ako sa lahat ng ito. kaso ang OA naman diba, saka baka makita ako nung nanay kong umiiyak, sasabihin na naman nun, "bakit ka umiiyak, maswerte ka nga't blah blah blah...".
ganyan ang nanay ko e. hangga't di ka pa duguin sa matris o kung saan e feeling niya ayos ka pa. actually nung naghiwa ako ng braso ko at sobrang dinugo dahil nasiraan na ako ng bait e kebs lang siya. nagalit lang at di pa daw ako natutulog, alas dos na daw ng umaga. nakakatawa kasi yun, kasi, tinext ko yung isang kaibigan ko na naghiwa ako. tapos nag-alala yung kaibigan ko tumawag sa landline, e nanay ko nakasagot, sabi niya tulog na ako. sabi ng kaibigan ko, pakitignan lang daw ako kung okay na ako. binabaan ng nanay ko yung kaibigan ko tapos pumasok sa kwarto ko. sumigaw lang ng sampung segundo tapos lumabas na ulit. haha. ang labo diba? dapat ata may ambulansiya effect para mag-alala siya. ewan.
anyway, iniisip ko kung anong bucket list ko, para sa sarili ko. pero parang hindi simple e:
1. macomplete yung mga incomplete ko, matapos ang MA, tumuloy magPhd
2. maglabas ng (mga?) libro
3. makapuntang Amerika, at/o kaya sa Europa para bisitahin si Ody
4. bumalik ng Surigao.
5. maging titser. maski isang sem lang. pero gusto ko yung ma-inspire yung mga bata sa akin.
6. gumawa ulit ng pelikula, yung pang-babae, yung pang-bayan.
7. magpinta. mag-exhibit.
8. mag-asawa... o kaya mag-install ng lalakeng pwedeng magposing na asawa ko dito sa bahay at pwede bitbitin sa mga lakad sa labas ng bahay
9. subukang mag-med.
seryoso! gusto ko subukan kumuha ng medisina. kaso hindi pre-med ang course ko, kaya baka sobrang labo na nun diba? kaya lang takot ako sa dugo at sa patay...kaya baka nasa maling listahan ito. dapat ata nakalagay sa listahan na "Frustrations". ewan.
hindi ako productive lately, wala akong masyadong naisulat, wala rin akong mga bagong drowing o litratong maayos. ewan ko ba. ang dami kasing trabaho, lagi akong pagod. ang dami ko pang iniisip.
andito ako sa point ng buhay ko na, parang, paano ba kinekwento yun? yung, alam mo kailangan mo ng tumawid pero natatakot ka kasi pag tumawid ka na, wala na talagang atrasan. kaya ang dami mong delaying tactics. tanong ka nang tanong sa sarili mo kung ito na ba? ngayon na ba? tapos antay ka ng antay ng signal sa kabila kung gusto nga ba niyang tumawid ka. kaya lang malabo lahat. feeling ko pareho lang kami ng pakiramdam kaya nagkakaganito. ewan.
madami na akong naging boyfriend, madami na rin akong hiniwalayan, marami nang nagpaiyak sa akin, marami na rin nagsabi sa akin na magpapakamatay sila/magpapari na lang sila/hindi na sila iibig pang muli kapag di ko sila binalikan. pero ito, itong kinalalagyan ko ngayon, parang.. alam mo yun? kapag pumayag ako, final na ito, bawal na talagang kumalas. ito na yun forever kaya isipin ko dapat mabuti ang gagawin ko. kung mainlab pa ako sa iba magiging kabit ko na lang yun, kahit siya pa si Orlando Bloom. dahil pag tinuloy ko na ito, siya na ang opsiyal na maghahawak ng puso ko, at ako ang mag-aalaga sa puso niya. usapang matino na ito. kapag iniwan ko pa ulit ito, ako na ang pinakamasamang babae sa balat ng earth.
ang dami kong bagahe. pakshet.
pero may mga maliliit na sandali sa bawat araw na lumilipas nitong mga nakaraang linggo, na muli na akong nangagarap, na aalis kami, uupo sa may dalampasigan, kaming dalawa lang, ganun. at tuwing napapahinga ang loob ko sa mga posibleng masasayang eksenang darating sa buhay ko sa mga maliliit na sandaling iyon, napapayapa ang puso ko, at nagkakaroon ako ng lakas ng loob na humakbang muli, papalapit sa nais kong tawiring lansangan.